alam kong hindi ako ang unang nagisip ng ganito. sigurado ako simula simula pa, maraming tao na ang napatigil, napangalumbaba, napabuntong hininga, at napaisip:
"pwede bang simple na lang ang buhay?"
hindi ako nag-da-drama.
okay, siguro medyo nag-da-drama nga ako.
naisip ko lang, bakit sobrang...pano ba...kumplikado ng buhay? na hindi rin naman. tignan mo. pagkasilang mo sa mundo, halos lahat ng kailangan mong gawin at makamit sa buhay, nakalatag na. pagdating mo sa isang certain na edad (depende sa magulang mo kung balak nilang gawin kang "achiever"), papapasukin ka na sa paaralan. at simula nyan, alam mo na tatahakin mo. sunod sunod na yan.
kinder, check. prep, check. grade 1, check...grade 6, check. nakadepende sa school mo kung anong susunod, kung grade 7 o kung high school na. tapos anong kasunod? college exams. tapos college. tapos trabaho. tapos pamilya. tapos tatanda ka. tapos mamatay.
simple lang di ba? madali sundan. pero mahirap pa rin e. andaming nakasiksik at nakasingit na kung ano anong pampagulo sa buhay sa pagitan ng mga yan. aling course? saan ako magtatrabaho? sino papakasalan ko? saan ako magpapagamot? anong ipapangalan ko sa anak ko? dapat ko ba i-invest pera ko dito? bakit andaming nagugutom? saan ako magpapalibing?
andaming pangyayaring nakapalibot sa buhay natin na kung tutuusin, parang hindi mo naman talaga kailangan, na hindi naman mahalaga. pero kung umasta at pumapel sila sa mga buhay natin akala mo mamamatay tayo pag wala sila.
anlabo, parang nag-ra-ramble na lang ako.
minsan lang talaga mapapaisip ka na, ganito ba talaga ang dapat kong gawin sa buhay? napadpad ba ako sa daigdig para pumila sa pagkahaba-habang pila araw araw; para makipagsiksikan at matapak-tapakan sa loob ng mainit na tren; para umupo sa harap ng screen ng computer buong magdamag; para utos-utosan; para mag-edit ng kung ano na namang commercial na puno ng mukha ng magaganda at gwapong artistang nagbebenta ng kung anong produktong hindi ko naman talaga kailangan - mga artistang mapangakit ngumiti, pero kita mo sa mga mata nila na sila mismo, hindi naniniwala sa binebenta nila.
isipin mo na lang. para saan? anong ginagawa mo? marketing executive? corporate media planner? call center agent? training specialist sa isang kumpanya? copy writer? intern sa advertising firm?
isipin mo, para saan yan? anong point? hindi ako nagpapaka-banal, hindi ako holier-than-thou, nagtatanong lang ako kasi lately tinatanong ko sa sarili ko to. anong point? anong puno't dulo ng ginagawa ko? anong point ng paggawa natin? para kumita? tapos makakaipon ka. pag namatay ka na ano na ngayon? anong magagawa ng pera mo? hindi mo naman masusuhulan si kamatayan na next week ka na lang sunduin gamit ang lahat ng pera mo di ba? so para saan?
sinasabi ko bang wag na lang trabaho? baka iniisip niyo na may angst lang ako sa trabaho kaya ako nakapagsabi ng ganito. aaminin ko, medyo, oo, pero hindi naman talaga yun ang point ko dito. napaisip lang ako. sinasabi sa akin parati ng mga magulang ko na ang mahalaga sa paghahanap ng trabaho ay yung masaya ka sa ginagawa mo. na pag ginawa mo, hindi mo iisiping nagtatrabaho ka kasi na-e-enjoy mo. tama sila dun. pero may natutunan ako
(nakakatawa, wala pa akong isang taong nagtatrabaho pero natutunan ko na)
hindi sapat na masaya ka. hindi lang yun. mahalaga rin na may saysay ang ginagawa mo. yun yung hinahanap ko sa trabaho ko ngayon. nakikita ko sa mga magulang ko yun e. pagud-paguran ang trabaho nila. hindi biro pumunta sa mga liblib na lugar para magturo ng mga tao tungkol sa pagpapalaki ng mga anak. pero paguwi nila kita mo sa mga mata nila na masaya sila dahil alam nilang mayroong masaya sa nagawa nila. na alam nilang kahit papaano, nakatulong sila na mabago at mapagbuti ang buhay ng iba. tignan mo yung mga teacher sa public school, yung mga talagang nagtuturo dahil gusto magturo. talu-talo na sa kikitain, ang mahalaga maturuan nila yung mga bata, mapaghanda sila sa buhay nila. kahit yung ibang mga mayayaman, tignan mo sila, hindi sila nagpapakasasa sa pera nila, bukas ang mga palad nila para tumulong.
simple lang ang puno't dulo ng buhay nila, ang makatulong sa iba.
hindi ko maintindihan kasi. tignan mo, lalo na sa syudad. andaming mayaman, andaming magagarbo ang damit, andaming pera, pero hindi masaya ang mga tao. parating stressed, nagmamadali, hindi mapakali. kaya rin ako nagtatanong. bakit hindi sila masaya? bakit pinapahirap nila mga buhay nila? parating kelangan may hinahabol, minamadali. hindi ba pwedeng tumigil ka lang saglit, huminga ng malalim, magmasid sa paligid mo. oo wala na masyadong puno sa maynila, pero maganda pa rin tignan e. sikat ang manila sa sunset niya, pero pustahan tayo hindi mo na nakikita, bakit? nakakulong ka sa opisina mo nagmamadali magtapos ng report.
bakit?
bakit parati tayong nagmamadali? parati tayong may deadline na hinahabol, quota na kelangan maabot. at matapos ang araw hindi tayo nagpapahinga, bumabagsak lang tayo sa pagod.
at pagtanda mo, pagkamatay mo, at haharap ka sa Diyos, at tinanong Niya sayo, "Anong ginawa mo sa buhay mo?" anong isasagot mo?
Nagtapos po ako ng report. Nagedit po ako ng pelikula. Naghabol po ako ng deadline.
No comments:
Post a Comment