Kadalasang sinasabi na sa buhay ng kabataan, ang panahon na nasa kolehiyo siya ang isa sa pinakamahala at maimpluwensiyang parte ng kanyang buhay. Dito maku-kwestyon lahat ng kanyang pinapaniwalaan. Kung anu-ano mga pilosopiya at paniniwala ang sinusubukan pumasok sa kanyang pagiisip. Samu’t saring mga bagay na nakikipagunahan para sa kanyang atensyon. Sa panahon na ito, nakikipagunahan ang mundo sa Diyos para mahubog ang isip, ang puso, ang buong pagkatao ng isang kabataan.
Ngayong semestere, mayroon akong isang klase ngayon na tungkol sa cinematography. Pinagaaralan naming kung paano ayusing ang nakikita at posisyon ng kamera, ang posisyon, lakas, kulay at timpla ng ilaw, ang bawat kilos, galaw, ultimo suot ng mga artista, halos lahat ng elemento na makikita at hindi makikita sa frame para maipakita, maparamdam at maipahiwatig sa pinakamagandang paraan ang emosyon at ibig sabihin sa eksena. Isa sa mga pinakamahalaga kong natutunan sa klase kong ito ay kahit gaano mo artehan ang pagkuha mo ng shot, madalas mas maipaparamdam mo ang gusto mong ipahiwatig sa simpleng bagay, minsan, sa kung bagay na hindi nakikita.
Sinabi sa akin ni Ate Ging nang ialok niya sa akin na isulat ito, i-kuwento ko lang kung ano para sa akin ang ibig sabihin ng “God with us.” Sa ilang taon ko ng pagaaral sa kolehiyo, naramdaman ko ang kamay at ang gabay ng Panginoon sa aking buhay. Natutunan ko na sa bawat pagkakataon sa aking buhay kolehiyo, nandyan lang Siya, nakabantay, nakaalalay. Na kahit nararamdaman ko man ang Kanyang presensya o hindi, makakasiguro akong nandyan lang Siya. Dahil dito, alam kong ibalik sa Kanya ang pasasalamat sa bawat naipasang exam, quiz, paper, subject. Alam ko rin na sa Kanya lang ako makakapanghawak at hihingi ng tulong para sa lahat ng pagsubok. Siya ang naging Cinematographer ng aking buhay. Inaayos Niya ang bawat pagkakataon ng aking buhay para sa ipakita sa akin, pati rin sa iba, ang mensahe na nais niyang malaman ko. Hanggang sa pinakamaliit na aspeto ay parte pa rin ng Kanyang plano. Siya ang pumipili ng kulay, pumipili ng paggalaw ng bawat taong bahagi, pumipili ng dapat makita at ng mga hindi dapat makita, o kung kailang makikita ang hindi pa makita. Alam ko na may nag-a-ayos ng lahat ng aspeto ng buhay ko, alam ko na may parating nakabantay, at nakakaalam ng balak Niya para sa akin. Parang pelikula lang dahil alam ko na sa huli, magiging maayos din ang lahat, na lahat ng nangyayari ay mayroong ibig sabihin. Alam ko na ang bawat pagod, bawat puyat, bawat tawa, bawat galak, bawat singko, bawat uno, bawat tres ay parte ng plano ng Diyos at isinaayos ng Diyos para sa ikabubuti ko at ikaluluwalhati ng Kanyang Pangalan.
God with us. Isang pangako na sa likod ng bawat simangot at ngiti, sa likod ng bawat bagsak at bawat pasa, sa likod ng bawat terror na propesor at mga masasayang kaklase ay isang magaling at mabusising Cinematographer, isang mapagmahal at maarugang Diyos na alam at pinlano ang lahat ng nangyayari at mangyayari, isang Diyos na mapagkakatiwalaan mong may hawak ng lahat ng aspeto ng aking buhay.