Wednesday, September 09, 2009

nakakatuwa

Kahapon ng umaga, pormal nang idineklara ni Noynoy Aquino ang kanyang pagtakbo sa pagka-Pangulo sa padating na eleksyon. Matagal ko ring inabangan ang announcement niya. Sinundan ko ang bawat update sa kanyang pag-de-desisyon. At nangyari na nga ang matagal na hinihintay kaninang umaga. Sa ika-40 na araw matapos mamatay ng kanyang ina, buong tapang na inako ni Noynoy Aquino ang responsibilidad sa pagtuloy ng laban ng kanyang mga magulang.

Nakakatuwa.

Hindi na natin kayang ipagkaila na sa mga nakaraang taon, unti unting nahulog sa pagiging apathetic ang mga Pilipino, lalo na ang kabataan. Mas interesado pa sila sa pinakabagong chismis, pinakabagong scandal, mas interesado pa ang kabataan sa Dota, kaysa sa kung anong nangyayari sa bansa. Madalas sabihin ng mga matanda na nalulungkot sila, iba na nga daw talaga. Siguro dahil napagod na rin ang mga tao, o nawalan na rin ng pagasa ang kabataan, kami. Nakakawalang gana nga, ang mga taong natural na dapat tinitingala at nagiging ehemplo ng pagiging isang mabuting Pilipino ang siya pang dahilan para ikahiya mo na Pinoy ka. Iba kasi noon. Iba nong panahon ng mga magulang natin. Oo, panahon ng diktadurya noon, pero malinaw noon. Mayroong mga mambabatas at mga public servant na karapatdapat tingalain. Ginagawa nila ang ikabubuti ng lahat, di bale nang masira ang kanilang buhay. Noon, kilala mo kung sino ang dapat tingalain, at kung sino ang kalaban.

Pero iba na ngayon e. Ngayon hindi mo na kilala kung sino ang mali, kung sino ang tama. Nagpapalit ng partido at ng panininindigan at ng ideyalismo ang mga mambabatas at public servant na animo'y nagpapalit lang ng sapatos, pag di na trip, papalitan, pag trip ulit, babalikan. Malamang kaya nawalan na ng gana ang kabataan dahil wala na tayong tinitingala ngayon sa mga namumuno sa atin. Wala na tayong pakialam. Iniisip natin, paulit ulit lang naman, hintay ka lang ng ilang araw, ng ilang buwan, at yung mga naninindigan ngayon ay siyang mga nangungurakot bukas. Nawalan na tayo ng pagasa na magkakaroon pa ng politikong pwede talaga nating tingalain at pagkatiwalaan.

Natutuwa ako sa pag-deklara ni noynoy ng kanyang kandidatura. Oo, marahil sasabihin mo na hindi naman siya sikat, o mas mahalaga, na hindi naman siya si Ninoy o si Cory. Pero. Pero tignan mo ang nangyari sa mga nakaraang linggo. Nabuhay ulit ang diwa ng EDSA. Matanda man o bata na nawalan na ng pakialam ay nagsimula ulit magtanong sa nangyayari sa bansa. Parang napadilat ulit, nakaramdam ulit. Nawala ang partido at kulay at nagsama sama ulit ang mga tao. Siguro. Siguro sa pagtakbo ni Noynoy posible na talagang ayusin at pagkaisahin ang lahat ng nagkawatak-watak. Parating rason ng mga tao na kaya sila nawalan ng pagasa sa gobyerno o nawalan ng pakialam ay dahil wala naman silang makitang matinong papalit o mangunguna. Hindi kaya na ito na ang hinahanap natin?

Aaminin ko na mayroon pa rin akong pagaalinlangan sa pagpagtakbo ni Noynoy. Marahil nga kailangan pa niya ng kaunting experience, malamang bata pa siya. Pero sa lahat ng nagsabi o nagparamdam ng kanilang intensyong kumandidato, siya lang ang pinagkakatiwalaan ko na di masisilaw sa kapangyarihan, at kayang ituloy ang lahat ng ipinaglaban ng lahat ng tao noong unang EDSA.

Nakakatuwa lang makita na sa panahong ito, dahil sa lakas ng loob at sakripisyo ng iilang tao, nagigising nang muli ang diwa ng mga Pilipino.


No comments: